Posible.

Abril 2, 2013 § Mag-iwan ng Puna

Magandang gabi po.

Una sa lahat, nais kong magpasalamat sa pagkakataong ito na magsalita sa harap ninyo. Noong 2003 nagsasalita rin ako sa harap ng graduating class ko upang ibigay yung valedictory address, sa town plaza pa yun kung tama ang pagkakaalala ko. Hindi ko aakalain na matapos ang 10 taon ay babalik ako dito para magbigay ng commencement address sa Batch 2013.

Posible pala na sa loob ng sampung taon ay bumalik ako dito para magsalita sa inyo. Posible pala na makapagtrabaho ako sa Ateneo de Manila, kung saan nag-aral noon si Jose Rizal. Posible pala na makapasa ako sa UPCAT at makapag-aral sa UP na pinanggalingan ng 7 presidente ng Pilipinas. Posiblepalang makapag-aral ako ng isang taon sa ibang bansa at makita ang Super Junior, ang Girl’s Generation at iba pa. Posible palang yung isang taong hindi kilala nung 1st year highschool siya ang naging pangulo ng student council nung grumaduate siya. Posible pala yung mga bagay na yun.

Naisip ko ba tong mga bagay na to nung nakaupo ako dyan sa lugar ninyo 10 years ago? Oo at hindi.

Hindi dahil hindi ko naman inakala na ganito yung mangyayari sa buhay ko.  Hindi pa naman planado ang buhay ko nung Grade 6 ako. At mas lalong hindi ko pa alam kung anong gagawin ko sa buhay ko noong mga panahong iyon.

Ngunit Oo din dahil kung babalikan ko, yung mga maliliit na tagumpay na to, naging daan ito patungo sa mga pangarap ko. At dito  sa TR Yangco Memorial School inumpisahan  kong mangarap. Dito ako nangarap ng malaki. Alam yan ng mga naging adviser ko. Graduating class ng 2013, huwag kayong mahiyang mangarap, maliit man malaki. Espesyal sa akin ang Yangco daya dahil dito nabuo ang mga pangarap ko. Sa pangarap nagsisimula ang lahat, at huwag kayong matakot na hindi ninyo maaabot ang mga pangarap ninyo.

Nung isang linggo, kakagaling ko lang sa Porac, Pampanga. Tumira ako dun ng apat na buwan nung college ako kasama ang mga katutubong Ayta. Nagkwekwento yung isang batang gragraduate ng elementary sa akin. Ang saya saya daw niya na gagraduate na siya ng elementary at malapit na daw niyang matupad yung pangarap niya. Simpleng pangarap pero nung nakita ko yung kasiyahan niya na malapit na daw niyang maabot yung pangarap niya, natuwa ako. Napaisip ako, sila na sobrang daming dinadala sa buhay aypilit inaabot yung mga pangarap nila. Alam niyo kung anong meron sa kanila? Inspirasyon. Kahit gaano kadaming pagsubok, kahit gaano kahirap ang buhay, kahit gaano kabigat ang problema , pipilitin at pipilitin nilang abutin ang pangarap nila dahil may inspirasyon sila- gusto nilang makatulong sa pamilya nila, gusto nilang mabago ang buhay nila at gusto nilang makatulong sa komundad nila.Inspirasyon, ito ang magdadala sa atin sa mga pangarap natin.

Isa sa itinuturing kong inspirasyon ay yung masasayang araw ko dito sa Yangco. Hindi ako iba sa inyo. May mga pagkakataong naglilinis ako ng banyo, umiigib ng tubig sa malayong poso/gripo para ipandilig sa mga halaman, naghahabulan sa may mga puno ng manga malapit sa Home Economics Bldg, durugin yung tae ng kalabaw at baka gamit yung kamay para pang-abono sa mga tanim namin. Mayroon dingkaranasan na nasasaniban daw yung isa naming kaklase, napingot ako dahil may kinulong ako sa loob ng room, umiyak ako dahil kinulong ako sa divan at iba pa. Kung sabi ni Rizal, ‘ Ateneo, I spent many happy years there’, kaya ko ring sabihin ng taas noo, ‘Yangco, I spent many happy years there’.

Minsan iisipin natin, baka isa sa hadlang kung bakit hindi matupad pangarap natin o hindi tayo makapagsabayan sa iba ay dahil nanggaling tayo sa isang public school. May punto nga naman: ano nga bang panama natin sa mga private school na may sapat na libro, maaayos na upuan at mesa, magagandang building, at iba pang mas okay. Pero sasabihin ko sa inyo nagkakamali kayo. Hindi ko kailanman kinahiya na nanggaling ako sa isang public school at sana kayo rin. Sana mamaya, sa ating panunumpa ng katapatan sa ating alma matter, maisapuso natin at maipagmalaki na produkto tayo ng TR Yangco Memorial School.

Ano nga bang meron sa atin na kaya nating makipagsabayan at kaya nating maging mas magaling? Andyan yung mga teacher natin, na bihasa sa ilang taon at dekada ng pagtuturo. Kahit makukulit kayo, ay patuloy pa rin ang paghaba ng pasensya para turuan kayo. Sila na tumaya sa inyo at umaasanghindi kayo mabibigo sa buhay. Naiintindihan ko kayo kung may mga pagkakataong naiinis kayo sa kanila pero sasabihin ko sa inyo, pag tumanda kayo, makikita ninyo yung napakalaking tulong, napakalaking sakripisyo  at napakalaking kahalagahan nila sa buhay ninyo. (Salamat po sa mga naging guro ko dati sa paggabay at sa pagtuturo.) Andyan yung mga magulang natin, na patuloy na nagtatrabaho, nagsasaka, nangangaso, nagtitinda ng isaw, halo halo o barbeque, nagtatraysikel, nagdarasal at nangungutang para lang magtapos tayo. Huwag nating kalimutang pasalamatan sila sa lahat ng sakripisyo nila sa mahalagang araw na ito. Andyan yung mga kaklase natin, na nakasama natin ng 6 na taon, yung iba siguro makakasama natin sa mga susunod pa, sa hirap, sa ginhawa, sa takbo,patintero, taguan, text, iyakan, sa mga sanib, sa pagtakas sa paglilinis pag cleaners ka, sa pagsumbong ng mga noisy, standing at not in proper seat at iba pa. Isa ito sa mga huling araw na magkakasama kayo ng buo, huwag ninyong hayaang matapos ang gabing ito ng hindi nagpapasalamat sa isa’t isa.

Kaya nating makipagsabayan dahil kahit limitado yung kung ano ang meron tayo dahil sa limitadong pondo ng public schools:Kaya nating magtiis. Kaya nating lumaban. Kaya nating gumaling. Kaya nating mangarap at abutin yung mga pangarap natin. Huwag kayong mahihiyang nanggaling kayo sa public schoolDito tayo hinasang mabuhay at makipaglaban sa buhay  Dito, natuto ako ng ako lang, pero natutunan ko rin ang makiisa. Dito tayo nangarap mag-isa at dito rin tayo nangangarap ng magkakasama.

Ngayon, tatanungin ko kayo, posible bang matupad yung pangarap ninyo? Posible bang matupad yung pangarap natin? Sigurado akong malaking bahagi kung saan kayo nangarap ay dito sa Yangco. At magandang inspirasyon yung hirap at ginhawang naranasan ninyo para makuha yung diplomang ibibigay sa inyo mamaya. Inspirasyon din yung mga taong naging bahagi at magiging bahagi ng buhay ninyo. Sila na nagmamahal sa inyo at umaasang magtatagumpay kayo. Madami pa kayong pagdaraanan sa buhay, minsan ilulubog talaga kayo sa lupa, sa putikan o sa basura. Minsan pakiramdam ninyo hindi niyo na kaya at gusto niyo ng sumuko. Pero lagi ninyong tatandaan, Lahat naman posible. Lahat ng bagay, kaya nating gawing posible.

Maraming salamat at mabuhay ang ating mga guro, ang ating mga magulang at ang graduating batch ng 2013! Mabuhay ang TR Yangco Memorial School!

Commencement Address given to the Batch 2013 graduates of TR Yangco Memorial School, March 21, 2013

Advertisements

Tagged: , , , ,

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Posible. at kaRoger..

meta

%d bloggers like this: